Palasyo, thumbs up kay Pac-Man

Binati ng Malacañang nitong Linggo ang Pambansang Kamao na si Senador Manny Pacquiao para sa kanyang tagumpay kontra sa Amerikanong boxer na si Adrien “The Problem” Broner.

Sa opisyal na kalatas ng Palasyo, sinabi ni Presidential Spokesman at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo na kaisa ang Malacañang sa sambayanang Filipino na nagdiriwang sa pinakahuling tagumpay ni Pacquiao.

Pinuri rin ni Panelo si Pacquiao sa pagpapakita nito ng kakaibang atletisismo at ng karangalang Filipino.

“While 11 years older than his opponent, the 40-year-old ‘Pambansang Kamao’ displayed his vintage form just like in his heyday and dominated Broner, who went back-pedaling, in full twelve rounds of battle,” pahayag ni Panelo.

“We thank our pound-for-pound King for not only bringing honor and glory to our flag, but for once again uniting all Filipinos worldwide with his display of athleticism, power and Filipino pride. Mabuhay ka, Manny! Mabuhay ang Pilipinas!” dagdag pa ng tagapagsalita.

Bunga ng panalo ng Filipino boxing icon, napanatiling hawak ni Pacquiao ang kanyang World Boxing Association (WBA) welterweight championship belt at napalapit pa sa minimithing rematch kay undefeated boxer Floyd Mayweather na nanood sa kanyang laban kay Broner sa MGM Grand sa Las Vegas.

Samantala, binura naman ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang anumang alinlangan ng taong bayan hinggil sa work ethic ni Pacquiao bilang senador.

“Isa sa mga bagay na dapat kasi malaman ng mga kababayan natin eh as Senate President ‘no, alam ko lahat ng trabaho ng mga kapwa senador eh, at nakikita ko lahat ‘yan. Akong tagapirma nila eh, ‘ika nga eh. Eh si Manny, ‘di nagpapabaya sa trabaho ‘yan, wag ho kayong mag-aalala. Meron pa ngang iba diyan nagsasabi na ‘Ano ba yan, boxer ba siya o senador siya?” sabi ni Sotto nang kapanayamin sa radyo pagkatapos ng unanimous decision win ni Pacquiao.

“Ang senado pagka in session eh…nagtatrabaho si Manny, kaya ‘di niyo na dapat, ‘ika nga, mag-isip baka ito (boxing match) lang yung inaasikaso niya. Hindi. ‘Yung tiwala na binigay sa kanya ng mga kababayan natin, ginagawa niya,” dagdag pa ng Senate President.

Binati rin ni Sotto si Pacquiao at natatawang ibinahagi kung gaano siya kinabahan habang nanonood ng ng laban noong Linggo.

“Una sa lahat, habang nanonood siyempre ninenerbyos ako, eh ilang beses na kong nanood ng laban niya. Congratulations to him, ako’y natutuwa noong nanonood kapag nakita ko na medyo parang first two rounds pa lang parang natakot ‘yung Broner eh, parang nag-ingat eh, ayaw ma-knock out, siguro ganon ang takbo ng isip, ganon ang reading ko sa kanya eh,” wika ni Sotto.