‘Pinas kinakapos na sa flu vaccine

Habang nagpaalala ang World Health Organization (WHO) sa panibagong posibilidad ng influenza pandemic sa loob ng taong ito, ipinabatid naman ng isang eksperto na may malaki ng kakulangan sa flu vaccines ang bansa.

“Vaccine is still the best strategy against vaccine-preventable disease. But now that there is a shortage of flu vaccine, we should focus on treatment to curb the rising cases of influenza,” pahayag ni dating Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases President Rontgene Solante sa isinagawang media forum noong nakaraang linggo.

Sinabi ni Solante na maaaring kapusin na ang Pilipinas sa suplay ng bakuna upang maprotektahan ang mga tao sa influenza dahil sa matagal nang nakasanayang alokasyon sa suplay ng pharmaceutical industry sa buong daigdig.

Nagsisimula aniya ang flu vaccination tuwing Abril para sa panahon ng tag-ulan at mula Hunyo hanggang Oktubre na pinakamataas na pagkalat ng influenza infection.

“What we can do now is to focus on treatment… We can also use the vaccines left from last year, if there are any,” dagdag pa ni Solante.

Binigyang diin pa ng eksperto ang kahalagahan ng mahusay na personal na kalinisan at sanitasyon lalo na sa siksikang komunidad kung saan madaling kumakalat ang influenza virus.

Sampung taon makalipas ang malawakang pagkalat ng influenza A (H1N1) infection, nagbabala ang WHO na nahaharap muli ang daigdig sa panibagong influenza pandemic.

“The only thing we don’t know is when it will hit and how severe it will be. Global defenses are only as effective as the weakest link in any country’s health emergency preparedness and response system,” ayon sa ulat ng WHO nitong Sabado.

Base sa website ng WHO, naipakakalat ang virus mula sa droplet na nanggaling sa pag-ubo at pagbahin nang hindi tinatakpan at ang pagkakadikit sa kontaminadong kamay. Nagaganap ang sinasabing shot-distance airborne transmission sa mga siksikan at nakasaradong lugar.