Andaya, sinabon ng Sandiganbayan

Pinangaralan nang husto ni Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang si House Majority Leader Rolando Andaya Jr. dahil sa pagbibigay malisya nito sa paglilitis ng kinasasangkutan ng mambabatas na 194 criminal cases kaugnay ng P900-million Malampaya fund scam.

“In resolving cases, the court will never be swayed by external factors like politics. In fact, the court is apolitical,” pahayag ni Tang bago simulan ang arraignment ni Andaya.

Ginawa ni Tang ang pahayag makaraang sabihin ni Andaya sa panayam ng programang Headstart sa ANC na ipinalabas noong Huwebes ng umaga na napakaganda aniya ng timing ang itinakdang arraignment sa gitna ng mga kontrobersiya sa proposed P3.7-trillion national budget para sa 2019.

“Nice timing. That’s very good timing, just when all of these were coming out. I expect it,” sabi ni Andaya sa ANC.

Sa resolusyong ginawa noong Enero 8, tinanggihan ng Third Division ang apela ni Andaya na ibasura ang kanyang arraignment at atasan ang prosecution team ng Office of the Ombudsman na magbigay pa ng mga karagdagang detalye sa mga kaso kagaya ng kung paano at kailan nangyari ang sinasabing conspiracy ni Andaya at ng kanyang kapwa akusado.

Subalit nanindigan ang Third Division na hindi na kinakailangang isama pa sa charge sheets ang mga sinasabing kaso.

“You mentioned your arraignment being ‘nice timing’ today…You may disagree with our resolutions, but you have remedies. Please avail of that. Do not try to attribute anything to the court if you are not satisfied,” sabi ni Tang kay Andaya.

“If [the Supreme Court] tells us we erred in our rulings, then that’s SC,” dagdag pa ni Tang, na tumatayong chair ng Third Division.

Mabilis namang humingi ng paumanhin si Andaya at idiniing wala siyang pakay na insultuhin ang Sandiganbayan.

“I do apologize if it sent the wrong message. It won’t happen again. I will be more careful,” ani Andaya.

Subalit hindi rin natuloy ang arraignment ni Andaya dahil ipinabatid ng kanyang kampo sa hukuman na nagsampa siya ng motion to quash para sa mga kaso noong Enero 15.

Nakansela rin ang arraignment ng mga kapwa akusado ni Andaya na si Janet Lim-Napoles, mga anak nitong sina Jo Christine at James Christopher gayundin ang kapatid ni Napoles na si Reynald Lim.