51 containers ng basura sa Misamis, sinimulang bawiin ng South Korea

Sinimulan na ang pagbawi ng 51 containers ng basura nang dumating ang barko mula South Korea sa pier ng Misamis kamakailan.

Ayon kay Rep. Juliette Uy (Misamis Oriental, 2nd District), dapat sanang noong Enero 9 pa dumating ang barko sa Mindanao International Container Terminal (MICT) port subalit naantala ito.

Noong Nobyembre ng nakaraang taon, iniayos ng Korean Ministry of Environment ang legal na proseso para bawiin ang mga container ng basura sa Mindanao.

Pinasalamatan ni Uy ang pamahalaan ng South Korea, mga opisyales ng Customs at Department of Environment and Natural Resources at ang mga civil society at environment groups para masolusyonan ang problema ng basura.

Gayunman, nilinaw ng mambabatas ang kanyang pagsalungat sa anumang pagkilos, plano o panukalang iresiklo na lamang ang mga basura.

“All, not just part or some, of the total garbage shipments stored at MICT should be returned to South Korea. All of it. There should be no gray areas in this regard,” ani Uy sa kanyang opisyal na kalatas.

Nanawagan muli si Uy sa Customs, DENR at Phividec Industrial Authority, na nangangasiwa ng 3,000-hectare Phividec Industrial Estate kung saan matatagpuan ang MICT, upang maimbestigahan ang kontrobersiyal na shipment ng basura.

“I see the need to adopt new stringent policies to prevent the importation of plastic and other types of waste, since we do not want our province and our whole country for that matter to become a global garbage dump,” sabi pa ni Uy.

Naunang nagpahayag ang Customs na may 5,000 metric tons ng basura ang hindi pa naibabalik sa South Korea.