Andaya at Napoles, sabit pa rin sa Malampaya scam

Ibinasura ng Sandiganbayan ang apela ni House Majority Leader Rolando Andaya Jr. at mga kamag-anak ng plunder convict na si Janet Lim-Napoles para sa dismissal ng halos 200 criminal cases laban sa kanila kaugnay ng P900-million Malampaya Fund scam.

Sa resolusyong ginawa ng Special Third Division noong Enero 8, walang bagong inihatag na argumento ang mga nasasakdal para baliktarin ang kanilang desisyon noong Agosto 20, 2018 kung kaya tinanggihan ng Sandiganbayan ang motions to quash nila Andaya, na Budget Secretary nang gumagalaw ang scam noong 2009, at Napoles.

Nangangahulugang balido at dapat dumaan sa paglilitis ang kasong graft at malversation laban sa mga nasasakdal.

Kabilang sa kaso ang sinasabing dibersiyon ng discretionary fund upang pondohan ang mga ghost livelihood project para sa mga biktima ng malawakang pagbaha dulot ng bagyong Ondoy at Pepeng noong 2009.

Kagaya ng P10-billion pork barrel scam, inaakusahan si Napoles na nagpapatakbo ng network na binubuo ng 12 foundation na nagsisilbing bagsakan ng pondo.

Ibinasura rin ng Sandiganbayan ang sinasabi ni Napoles na hindi siya maaaring managot dahil isa siyang pribadong indibidwal at hindi publiko opisyal.

Matagal nang nilinaw ng Korte Suprema na maaaring litisin ang mga pribadong indibidwal bilang conspirator.

Sa resolusyong ito, tinanggihan din ng Sandiganbayan ang argumento nina dating Agrarian Reform Secretary Nasser Pangandaman Sr. at Finance Director Teresita Panlilio na kataka-taka masyadong naantala ang imbestigasyon ng Ombudsman.

Iginiit ng hukuman na inabot ng dalawang taon upang maresolba ang mga reklamong ginawa ng National Bureau of Investigation at ng Ombudsman’s Field Investigation Office at nabigyan na rin nila nang sapat na oportunidad ang mga respondent.

Iniakda ang resolusyon ni Presiding Justice Amparo M. Cabotaje-Tang at sinang-ayunan nina Associate Justices Bernelito R. Fernandez at Lorifel L. Pahimna.