Amerika, most trusted pa rin ng mga Pinoy

Ang United States pa rin ang pinakapinagkakatiwalaang bansa ng mga Pilipino, base sa resulta ng pinakabagong survey ng Pulse Asia.

Sa Ulat sa Bayan survey ng Pulse Asia nitong Disyembre 14-21, 2018, lumalabas na karamihan o 84 na porsiyento ng mga Pilipino ang nagsabing dapat na pagkatiwalaan ng Pilipinas ang Amerika (29% great deal of trust, 54% fair amount of trust).

Umangat nang 5% ang latest trust rating ng Amerika mula sa 79% (29% a great deal of trust, 50% a fair amount of trust) noong Marso 2017.

Lumabas din sa survey noong nakaraang buwan na ang Japan ang ikalawang bansa na pinagkakatiwalaan ng mga Pilipino na may 75%, kasunod ang Australia, 72%; at United Kingdom, 57%.

Samantala, sa kabila ng sobrang pakikipagkaibigan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa China, lumilitaw na 60% ng mga Pilipino ang hindi nagtitiwala sa China.

Habang pangalawa naman sa “least trusted” ng mga Pilipino ang Russia, na may 59% distrust rating.

Bukod sa Amerika at Japan, pinagkakatiwalaan din ng mga Pinoy ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC), na may 82% at 80% na trust rating, ayon sa pagkakasunod.

Isinagawa ang survey sa 1,800 na respondent at may +2.3% error margin.