Seguridad sa bansa, hinigpitan sa pagsisimula ng election period

Pinaigting ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad sa buong kapuluan sa pagsisimula ng halalan para sa midterm election ngayong Linggo, Enero 13.

Sa kanyang memorandum, inatasan ni PNP Chief Director General Oscar Albayalde ang lahat ng kanyang field commander na maglagay ng mas mahigpit na checkpoint sa buong bansa upang mapigilan ang mga pinaghihinalaang kriminal na armado ng iba’t ibang uri ng baril, bomba at iba pang armas na maaaring gamitin upang makagulo sa halalan.

“The memorandum directed regional directors to establish at least one checkpoint in each of the country’s 1,600 cities and municipalities in coordination with the local Comelec (Commission on Elections) officer and AFP (Armed Forces of the Philippines) territorial unit in the area,” pahayag ni PNP Spokesman Chief Supt. Benigno Durana Jr.

Naglagay na ang pulisya ng mga checkpoint sa pagsisimula ng 150 araw na panahon ng halalan nitong 12:01 a.m ng Linggo.

Ipinatutupad na rin ng PNP ang nationwide gun ban na tatagal hanggang sa pagtatapos ng eleksiyon sa Hunyo 12. Ipinagbabawal ang pagdala ng mga lisensiyadong baril sa labas ng kanilang mga tahanan maliban na lamang kung pagkakalooban sila ng exemption ng Comelec.

Sinabi ni Albayalde na tanging mga awtoridad lamang na naka-duty at nakauniporme ang hindi sakop ng gun ban. Kasama na rito ang mga tauhan ng AFP, Philippine Coast Guard, National Bureau of Investigation, Philippine Drug Enforcement Agency at iba pang mga ahensiyang nagpapatupad ng batas. Maaari ring hindi mapabilang sa gun ban ang mga private security agency.

Maaari namang mag-aplay ang mga politiko na may pagbabanta sa kanilang buhay para magkaroon ng security escorts mula sa PNP Police Security and Protection Group.

Pinaalalahanan naman ni Comelec Spokesman James Jimenez ang mga pulis na tatao sa checkpoint na tanging visual search lamang sa mga sasakyan ang maaari nilang inspeksiyonin.

“Officers can look but they shouldn’t touch. There is the plain view doctrine in effect – if something is in plain view and arouses reasonable suspicion then the police can do something other than look,” wika ni Jimenez sa mga mamamahayag.

“If you volunteer, open compartment, trunk, that’s your call. Be aware that if you do that, anything that they see there, they can search. They can’t force you to open up compartments,” dagdag pa ng tagapagsalita.

Bukod pa sa gun ban,  ipinagbabawal din ngayong halalan ang suspensiyon ng sinumang halal na opisyal, paggamit ng security personnel o bodyguard ng mga kandidatong hindi awtorisado ng Comelec, pagbibigay ng donasyon, regalo o pera, ilegal na pagpapakawala sa mga bilanggo, paglipat o paggalaw ng mga taong lingkod bayan at pagbabago ng nasasakupan ng polling precinct o paggawa ng mga bagong presinto.