Deboto ng Black Nazarene, nag-iwan ng 43 trak ng basura

Mahigit sa 43 trak ng basura ang nakuha ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) matapos ang traslacion o ang prusisyon ng Kapistahan ng Poong Nazareno.

Ayon kay Francis Martinez, hepe ng Metro Parkways Clearing Group ng MMDA, umabot sa 146.59 tonelada ng basura gaya ng plastic bottles, styrofoam boxes at plastic bags na ginawang lalagyan ng malamig na tubig.

Habang idiniin na nagawa ng mga tauhan ng MMDA ang kanilang tungkulin, hiniling naman ni Martinez na iwasan ng mga deboto na itapon sa tamang basurahan ang kanilang mga kalat.

Hiniling din niya sa mga nagpapamahagi ng pagkain para sa mga deboto na iwasang gamitin ang mga plastic container.

Para naman sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila, nakakolekta ang kanilang Department of Public Safety’s Task Force Cleanup ng hindi bababa sa 88 truck ng basura simula pa lamang sa preparasyon ng Simbahan ng Quiapo para sa traslacion noong Disyembre 30, 2018 hanggang nitong Huwebes ng umaga.

Anim na trak kaagad ng basura ang nakuha sa bisinidad ng Simbahan ng Quiapo na hindi pa kasama ang Plaza Miranda, ayon kay Task Force Chief Che Borromeo.

Apat na trak ng basura ang nakolekta ng mga kaminero sa buong ruta ng traslasyon habang anim na trak naman pagkatapos ng pahalik sa Quirino Grandstand.

Noong nakaraang taon, 99 na trak ng basura ang nakuha ng pamahalaang lungsod.