Poe, No. 1 na naman sa Pulse Asia senatorial survey

Patuloy pa rin ang pangunguna ni Senadora Grace Poe sa senatorial race ayon sa pinakahuling sarbey na ginawa ng Pulse Asia.

Sa inilabas na datos nitong Miyerkules, natamo ng independienteng senadora ang primera posisyon nang piliin siya ng 75 porsiyento ng mga respondent na nagsabing siya ang iboboto kung gagawin ngayon ang halalan.

Nakuha rin ni Poe ang awareness rating na 99 porsiyento, ang porsiyento ng mga botante na kilala na si Poe bago pa man gawin ang sarbey.

Ikinasa ang huling Pulse Asia survey gamit ang face-to-face interviews mula Disyembre 14 hanggang 21, dalawang buwan makalipas ang pagsusumite ng Certificate of Candidacies noong Oktubre.

Nasa pangalawa at pangatlong puwesto sina Senadora Cynthia Villar ng Nacionalista Party na may 66.6 porsiyento at Senador Edgardo “Sonny” Angara ng Laban ng Demokratikong Pilipino na may 58.5 porsiyento.

Sumadsad naman sa pang-apat na posisyon si Pia Cayetano (55.4 porsiyento) na dating nasa pangatlong puwesto sa sarbey noong Setyembre.

Kasama sa Magic 12 ng mga senatorial bet sina dating Senador Lito Lapid (5th, 49.8), Senadora Nancy Binay (6th, 46.7), dating Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III (7th, 45.5), dating Senador Sergio Osmeña III (8th, 38.8), dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. (9th, 37.6), Ilocos Norte Gov. Imee Marcos (10th, 36.7), dating Senador Jinggoy Estrada (11th, 36.3) at dating Philippine National Police chief Ronald “Bato” Dela Rosa (12th, 35.7)

Nalaglag din sa top 12 si dating Senador at Interior Secretary Manuel “Mar” Roxas II ng Liberal Party ni Revilla, na kalalaya lang noong Disyembre 7 matapos ang apat na taong pagkakakulong nang pawalang sala sa kasong plunder.

Dati ng mga naglingkod o kasalukuyang nanunungkulan sa Senado ang lahat ng nasa top 12 maliban lamang kina Dela Rosa at Marcos.

Magsisimula ang campaign period para sa senatorial candidates at party-list groups sa Pebrero 12 hanggang Mayo 11.

Maaari namang mangampanya ang mga kandidato para sa Mababang Kapulungan at iba pang lokal na posisyon simula Marso 29 hanggang Mayo 11.