Tiwaling mga miyembro ng gabinete, sisibakin ng Malacañang

Tiniyak ng Malacañang na mananagot ang lahat ng mga tiwaling opisyales makaraang ipabatid ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) ang pag-iimbestiga sa tatlong opisyales na kinasuhan ng iregularidad.

Kinilala ni PACC Commissioner Manuelito Luna ang mga opisyales na sina Labor Secretary Silvestre Bello III, dating Customs Commissioner at kasalukuyang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) chief Isidro Lapeña at National Commission on Indigenous People Chairman Leonor Oralde-Quintayo.

Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, walang sasantohin ang administrasyong Duterte hinggil sa mga akusadong opisyales.

“You violate the law, regardless of your status – whether you’re a friend, an ally, a political adversary, a relative, a friend or a fraternity brother – it doesn’t matter. You are accountable. We will wait for the findings. If there’s evidence, the President will act on it,” sabi ni Panelo sa mga mamamahayag.

Plano naman ni Bello na kasuhan si Luna ng grave abuse of authority para matanggal sa posisyon ang hepe ng PACC.

“If you are investigating, one should be discreet in fairness to the respondent. He is preempting the investigation, so I am going to ask the President to dismiss him from the office,” sabi ni Bello nang kapanayamin sa radyo.

Iginiit ni Bello na dapat lamang ipinabatid ng PACC na may reklamo laban sa kanya at kung sino ang mga complainant upang makasagot siya nang tama.

Nagulat pa ang Labor Secretary nang iluklok ng Pangulo si Luna sa PACC samantalang dati itong nagsampa ng disqualification case laban kay Duterte.

“Out of delicadeza, he [Luna] should have not accepted the position in the government,” ani Bello.

Hulyo nang nakaraang taon, inakusahan ni Amanda Araneta, presidente at general manager ng MMML Recruitment Services Inc., si Bello at dalawa pang labor official ng graft and corruption. Nagbanta si Araneta na magsasampa siya ng kaso sa PACC.

Sinabi ng rectruiter na personal niyang binigyan si Bello ng iPhone at P100,000 cash bilang pamasko noong 2016. Sinubukan din niyang magbigay ng mamahaling pabango at P100,000 cash parang pang-aginaldo sa kaarawan ng kalihim noong Hunyo 2017.

Tinanggihan naman ni Bello ang lahat ng akusasyon at sinabing dapat siyang kasuhan sa Office of the Ombudsman o Department of Justice at hindi sa PACC.

Naniniwala rin siyang dapat mag-inhibit si Luna dahil ang PACC commissioner ang mismong gumawa ng reklamo.

Gayunman, nagpahayag ang Malacañang na pahihintulutan nitong ipagpatuloy ng PACC ang imbestigasyon laban kina Bello, Lapeña at Quintayo.

Sinabi rin ni Panelo na nakahandang sibakin ng Pangulo ang sinumang opisyal na mapatutunayang nagkasala.

“If you say whiff of corruption, there should be substantial grounds. The President will order an investigation. If you are accused of something, it doesn’t mean you will be dismissed immediately. The President is not like that,” ani Panelo.

Bilang katunayang seryoso ang Pangulo sa anti-corruption drive, tinanggal ni Duterte ang ilang mga opisyales kasama na rin ang miyembro ng kanyang gabinete na nasangkot sa mga kuwestiyonableng transaksiyon at hindi kinakailangang pagbiyahe sa labas ng bansa.