Acquittal ni GMA, binaterya ng Kontra Daya

Kinondena ng poll watchdog na Kontra Daya ang pagpapawalang sala ng hukuman kay dating Pangulo at kasalukuyang House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo  sa kasong electoral sabotage noong 2007 senatorial polls.

“During her incumbency as president, election fraud was so widespread that even the statistical improbability of 12-0 in favor of the administration’s senatorial candidates happened in areas like Maguindanao, which was controlled by the Ampatuans,” pahayag ni Kontra Daya convenor Danilo Arao na sinabi pang hindi katanggap-tanggap ang ginawang desisyon ng hukuman.

Isa aniyang mapanganib na mensahe ito na lalawak pa ang dayaan sa nalalapit na eleksiyon sa Mayo kung walang mapaparusahang malaking isda sa paggawa ng ganitong kasalanan.

“If the Comelec wants clean and honest elections, appealing the case is advisable given the extent of cheating at that time,” dagdag pa ni Arao.

Sa desisyong ginawa noong Disyembre 17, 2018, ibinasura ng Pasay City Regional Trial Court Branch 112 ang kasong electoral sabotage na isinampa ng Kontra Daya kontra kay Arroyo.

Sinabi ng hukuman na nabigo ang prosekusyon na mapatunayang guilty beyond reasonable doubt si Arroyo.

Kinasuhan si Arroyo kaugnay ng kanyang sinasabing utos sa namayapa ng si Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. na tiyakin ang 12-0  victory para sa senatorial slate ng kanyang administrasyon na Team Unity noong 2007 midterm polls.