Senatorial poll frontrunners, binarya ni Duterte

Minaliit ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pangunguna ng mga senatorial bet sa huling resulta ng sarbey habang ipinagpatuloy ang kanyang pakiusap na suportahan ang mga dati niyang opisyales na hindi nakasama sa top 12.

Labis ang pagkagulat ni Duterte nang makita ang mga pangalang nanguna sa senatorial poll na ginawa ng Social Weather Stations (SWS) at nagtatakang sila ang pinili ng tao samantalang higit aniyang maraming karapat-dapat na mas matalino at maaasahang kandidato.

“I do not have to derogate others pero ‘yung sa ano ngayon nangunguna sa survey, susmaryosep, but if that is the way your country… May mga tao dito dedicated, may alam, abogado,” sabi ni Duterte sa birthday party ng senatorial candidate at dati niyang Political Affairs Adviser na si Francis Tolentino sa Tagaytay City noong Huwebes.

Walang binanggit na pangalan si Duterte at hindi rin nilinaw kung ano ang isyu niya sa mga bumabanderang senatorial bet.

Nanguna sina Senador Cynthia Villar at Grace Poe sa SWS survey ng senatorial candidates na ginawa noong Disyembre 16 hanggang 19. Kasama rin sa top 12 sina Taguig Rep. Pia Cayetano, Senador Sonny Angara at Nancy Binay, dating Senador Lito Lapid, Senador Aquilino “Koko” Pimentel III, dating Senador Jinggoy Estrada, dating Interior Secretary Mar Roxas, Ilocos Norte Gov. Imee Marcos at Senador Joseph Victor Ejercito.

Inendorso rin ni Duterte si Tolentino na tinawag niyang hardworking public servant. Todo-suporta pa rin ang Punong Ehekutibo sa kanyang dating Philippine National Police at Bureau of Corrections chief Ronald dela Rosa na tinawag niyang tapat at ang dati rin niyang closein aide na si Christopher “Bong” Go.

Nasa ika-17 at ika-18 puwesto si Tolentino sa SWS poll samantalang tabla sina Dela Rosa at Go sa ika-14 at ika-15 posisyon.

“We need men like them. Mahirap hanapin yung dedication, yung talagang in-love sa trabaho. Sayang ang boto n’yo na ibigay niyo lang sa iba,” sabi ni Duterte.