P50 milyong reward, lulutas ba sa Batocabe slay?

NGAYONG dinagdagan ni Pangulong Rodrigo Duterte ng P20 milyon ang pabuya sa makapagtuturo sa mga suspek sa pagpatay kay Ako Bicol Party-List Representative Rodel Batocabe, aabot na sa P50 milyon ang reward money sa sinumang may alam sa utak sa karumal-dumal na pagpaslang.

Dumalaw si Duterte sa burol ng kongresista at nakausap niya ang maybahay nito na waring itinuturo ang karibal ni Batocabe sa pagkaalkalde ng Daraga, Albay kasabay ng pangakong dagdag na pabuya sa sinumang makapagti-tip sa mga killer ng pinaslang na party-list representative.

Kung may takot ang mga taga-Daraga, Albay sa hinihinalang utak ng pagpaslang, tiyak na may matutukso at posibleng ituro anumang oras ang salarin sa asasinasyon kay Batocabe. Puwedeng ang dalawang bangkay na natagpuan sa ilang na lugar sa Daraga, Albay ang pumaslang kay Batocabe pero dapat ding malalim na imbestigahan ang mga pulis na hinugot bilang security escorts ng kongresista ilang oras bago ito pinaslang.

Iniutos na ni Duterte sa Commission on Elections (Comelec) na isailalim sa kontrol ng ahensiya ang bayan ng Daraga kaya tiyak na magaganap nang maayos ang eleksiyon roon. Tiyak na magwawagi bilang alkalde ang papalit kay Batocabe at matatalo ang kasalukuyang alkalde roon. Ngunit hangga’t hindi nalulutas ang pagpaslang kay kongresista ay malinaw na may kasunod pang terorismong pampolitika na magaganap sa Daraga, Albay.