Villar, Poe nanguna sa SWS survey

Pinangunahan nina Senadora Cynthia Villar at Grace Poe ang lahat ng mga kandidato para Senador sa pinakahuling Social Weather Stations (SWS) survey na isinagawa limang buwan bago ang national at local election sa Mayo.

Nakamit ni Villar ang voter preference na 62 porsiyento, katumbas ng mahigit 37 milyong boto, habang dikit na dikit sa kanya si Poe dulot ng natamong 60 porsiyento o katumbas ng 36.4 milyong boto.

Nagsama naman sina Taguig Rep. Pia Cayetano, Senador Sonny Angara at Senadora Nancy Binay, na pawang may 40 porsiyento, para okupahan ang ikatlo hanggang limang puwesto.

Solo sa ikaanim na puwesto ang aktor at dati ring Senador Lito Lapid na may 38 porsiyentong voter preference habang nagpatas sa ikawalo at ikasiyam na posisyon sina Senador Aquilino “Koko” Pimentel III at dating Senador Jinggoy Estrada, na may parehong 34 porsiyento.

Nakuha ni dating Interior Secretary at Senador Mar Roxas ang ikasampung puwesto dulot ng iminarkang 28 porsiyento habang kasunod niya si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na may 27 porsiyento.

At kinompleto ni Senador Joseph Victor “JV” Ejercito ang top 12 ng senatorial candidates dahil sa kanyang 27 porsiyento ng voter preference o katumbas ng 15 milyong boto.

Ikinasa ang nationwide poll mula Disyembre 16 hanggang 19 gamit ang harapang pakikipanayam sa may 1,500 respondents at may margin of error na plus or minus 3 percent.

Nasa 13th at 14th place sina dating Senador Serge Osmeña at Senador Paolo Benigno Aquino IV, ayon sa pagkakasunod.

Magkasunod naman sina dating Special Assistant to the President Christopher Go (15th) at dating Bureau of Corrections head Ronald dela Rosa (16th).

Inokupahan nina dating Presidential Political Affairs Adviser Francis Tolentino at dating Senate President Juan Ponce Enrile ang 17th at 18th slot.

Nakakuha naman ng single-digit voter preference ang mga kandidatong sina volunteer doctor at dating  STAR columnist “Doc Willie” Ong, Freddie Aguilar, dating Presidential Spokesman Harry Roque, broadcast journalist Jiggy Manicad, dating mambabatas Neri Colmenares, Melchor Chavez, Dado Padilla, Maguindanao Rep. Zajid Mangudadatu, Lemy Roxas, Larry Gadon, women’s rights advocate Samira Gutoc, human rights lawyer Jose Manuel “Chel” Diokno and dating Interior Secretary Rafael Alunan.