ANTI-DYNASTY BILL, MALABONG MAKALUSOT SA KONGRESO

Mahabang panahon na rin ang nasayang sa pagtatangkang maisabatas ang Anti-Dynasty Bill sa Mababang Kapulungan. Bagamat iginugol ng mga bago at batang kongresista na may masidhing ideolohiya, palaging banderang kapos ang kinauuwian nito.

Hindi na kailangan pang busisiin nang labis kung ano ang mga dahilan at palaging sumasadsad sa kangkungan ang panukalang mabuwag ang dinastiya sa politika ng isang pamilya.

Pangunahing dahilan ang mga personal na adyenda ng isang kongresista. Natural nga naman, sa sandaling sumang-ayon sila sa pagsasabatas ng Anti-Dynasty bill, hindi na makatatakbo ang kanyang asawa, anak, apo, pamangkin at iba pang relasyon ng kanyang pamilya.

Nangangahulugang mawawala sa kanilang poder ang kaldero ng bayan na malimit nilang pinagkukuhanan ng kabuhayan. Mapa-pork barrel man o mula sa mga porsiyentong nakukuha nila sa mga proyekto ng bayan, malaki nga naman ang tyansang mawala sa kanila ang kabuhayang ito kapag ipinatupad o nakapasa sa dalawang kongreso ang Anti-Dynasty bill.

Hindi na rin kataka-taka, dahil mismong ang Pangulong Rodrigo Duterte ay naitayo na niya ang kanyang dinastiya sa Davao City. Mula mayor hanggang vice mayor ay okupado ng kanyang mga anak kahit sabihin pang bumaba na sa posisyon ang isa rito mula sa bise alkalde.

Dati, magkasabay ring nanungkulan sa Senado ang mag-inang sina Dr. Loi Estrada at Jinggoy Estrada.

Kung sa Senado ay nakalusot ito, hindi malayong mangyaring magkasama na naman ang dalawang Estrada pagkatapos ng May 2019 elections kapag nanalo si Jinggoy at ang kapatid na si JV Ejercito.

At hindi na rin katataka-taka na may mga ganitong pangyayari rin sa Mababang Kapulungan na kontrolado ng isang ankan ang kanilang distrito, mapalunsod man o mapalalawigan.

Umiiral din nang talamak ang dinastiya sa mga lungsod at munisipalidad kung saan kasama ng isang incumbent na alkalde ang kanyang anak na vice mayor o kabilang sa mga konsehal.

Hindi rin pahuhuli ang mga barangay chairman na may anak, asawa, kapatid o pamangking kagawad. Nangyayari ring anak o apo ng isang chairman ang kanilang SK President.

Kaya sa kasalukuyang situwasyon ng politika sa Pilipinas, mangangailangan ng napakalubhang political will para maisakatuparan ang pangarap na suntok sa buwan.