‘Wag magmadali sa pagsasalegal ng marijuana – DOH Sec

Pinaalalahanan ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III ang mga opisyales ng gobyerno at ang publiko na maging maingat pagdating sa isyu ng paggamit ng medical marijuana dahil sa paniniwalang hindi pa sapat ang impormasyon sa mga posibleng benipisyo nito kung ikokompara sa perwisyong maaaring danasin.

“We have a scarcity of information about the benefits as claimed versus the potential risks. You have to weigh what are the benefits, health or medicinal benefits and do these benefits actually outweigh the potential risks,” pahayag ni Duque sa huling panayam sa kanya sa telebisyon.

Naunang nilinaw ng mga health official na may batas nang umiiral hinggil sa paggamit ng marijuana para sa layuning medisinal na sumasaklaw sa active ingredient na cannabinoid at hindi ang mismong halaman.

Inisyu ni Senate President Vicente Sotto III ang klaripikasyon na pinahihintulutan ang paggamit ng medical marijuana sa ilalim ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“The law allows a patient’s attending physician to secure a compassionate special permit from the Food and Drug Administration (FDA),” paliwanag ni Sotto.

Sinusugan naman ang pahayag ni Sotto ni Dangerous Drugs Board (DDB) Chairman Catalino Cuy at wala aniyang problema kung gagamitin ang marijuana bilang kagamutan.

Bagamat may mga ulat na epektibong pambigay lunas sa chronic pain, neuropathic pain, nausea at vomiting dahil sa chemotherapy ang ilang produktong nagmula sa marijuana, iginiit ni Duque na hindi lubos na ipinaliliwanag ng mga nasabing report ang anumang potensiyal na panganib na nakaugnay sa paggamit ng marijuana by-products.

“We cannot afford to be gung-ho about this and then later on, we find out that the danger is so much more than the putative benefits,” ani Duque.

Binigyang diin ng kalihim na iilan lamang ang mga manggagamot na nag-apply para sa special permit ng paggamit ng marijuana para sa medical purposes.

“The legalization of medical marijuana still needs a thorough study,” hiling ni Duque.

Ipinabatid ni FDA Director General Nela Charade Puno na hindi pa nagbibigay ang kanilang ahensiya ng compassionate special permit para sa marijuana.

“As of last year, the FDA received only one application for compassionate special permit for marijuana. And the applicant did not follow up on the application,” wika ni Puno.

Batay sa administrative order na inisyu ng DOH, maaaring magbigay ang FDA ng compassionate special permits upang pahintulutan ang mga ospital na makakuha ng unregistered drug, medical device o food product sa tulong ng lisensiyadong importer para sa isang klase ng pasyente.

“Doctors or hospitals can apply for a permit on behalf of a patient with cancer, HIV-AIDS and other life-threatening diseases,” dagdag pa ni Puno.

Nagpalabas ang DOH at FDA ng isang joint advisory may tatlong taon na ang nakalilipas upang balaan ang publiko laban sa pagbili at paggamit ng hempseed oil o iba pang uri ng byproduct na nagmula sa marijuana.