Kawalan ng respeto ng House kay Diokno, binaterya ng gabinite ni Duterte

Ipinagtanggol ng mga miyembro ng gabinite ang kapwa nila kalihim na si Benjamin Diokno at binatikos ang kahilingan ng mga mambabatas na sibakin ito ni Pangulong Rodrigo Duterte bunsod ng alegasyong siningitan ang nasyonal na badyet para sa taong 2019.

Para sa mga kalihim, isang paglabag sa separation of powers sa pagitan ng legislative at executive branch ng pamahalaan ang panawagan ng Mababang Kapulungan.

Pawang nag-isyu ng kanilang pagsuporta kay Budget Secretary Diokno sina Finance Secretary Carlos Dominguez III, Socioeconomic Planning Secretary Ernesto Pernia, Transportation Secretary Arthur Tugade, Trade Secretary Ramon Lopez, Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat, Science Secretary Fortunato dela Peña, Interior Secretary Eduardo Año at Bases Conversion and Development Authority President Vivencio Dizon at ipinadala sa Office of the President sa pamamagitan ni Executive Secretary Salvador Medialdea.

“We, the undersigned, have witnessed the disrespect and utter lack of courtesy displayed by members of the House of Representatives towards Department of Budget and Management Secretary Benjamin Diokno. The congressional resolution urging your reconsideration of the DBM secretary’s appointment is a sheer violation of the separation of powers on the basis of a seemingly biased and hastily called ‘Question Hour’,” pahayag ng mga kalihim.

Sumang-ayon naman si Duterte sa ipinakitang pagsuporta ng mga miyembro ng kanyang gabinite, ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo sa isinagawang huling press briefing sa Malacañang.

“As we have repeatedly said, while we respect the independence of each branch, it’s elementary that these branches must accord respect to each other. The golden rule always applies – what you do not want others to do to you, do not do unto them,” ani Panelo.

Maaaring pigilan aniya ng Palasyo ang mga miyembro ng gabinete na humarap pa sa Kongreso kung magpapatuloy ang kawalang respeto ng mga mambabatas.

Naunang sinabi ni Panelo na nagtitiwala pa rin ang Pangulo kay Diokno at dapat manatili sa kanyang puwesto sa gitna ng kahilingan ng ilang mga mambabatas na alisin na siya sa kagawaran.

Inimbitahan si Diokno noong Martes para dumalo sa Question Hour sa Mababang Kapulungan kung saan ginisa siya hinggil sa sinasabing insertions para sa 2019 proposed national budget.

“To use the congressional process to bombard Secretary Diokno with pre-considered questions and answers in aid not of legislation but of persecution and excoriating him with baseless allegations is a mockery of standard democratic procedures,” pahayag ng mga kalihim.

Nanindigan si Diokno na hindi dapat tawaging insertion ang P75-billion adjustment para sa badyet ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa 2019 dahil bahagi ito ng proseso sa paggawa ng badyet.

Mariin ding itinaggi ng budget chief ang alegasyong inabuso niya ang kanyang kapangyarihan upang piliin ang mga pinapaborang contractor at pagpili sa local government units, dahil hindi aniya tungkulin ng DBM ang implementasyon ng mga proyekto at pag-a-award ng mga government contract.

Bukod sa mga miyembro ng gabinite, nagtitiwala pa rin kay Diokno ang mga tauhan ng DBM at kinondena ang mga akusasyon sa kanilang hepe.

Gayundin naman ang ipinakitang suporta nina Senador Sonny Angara, Chairman ng Ways and Means Committee at Senadora Loren Legarda, Chair ng Senate Committee on Finance, kay Diokno na tinukoy nilang isang taong may integridad at walang kuwestiyon ang kakayahan sa pagsusulong ng mga reporma tungo sa ikauunlad ng bayan.