DOJ secretary, may conflict of interest sa kaso ni Okada?

Ni ARIEL DIM. BORLONGAN

Nasa balag ng alanganin ngayon sa conflict of interest si Department of Justice (DoJ) Secretary Menardo Guevarra sa isyu ng Okada Manila.

Lumitaw ito  nang buhayin ni Guevarra noong Disyembre 7, 2018 ang kasong estafa na inihain ng Tiger Resort Leisure and Entertainment Inc. (TRLEI) laban kay casino mogul Kazuo Okada.

Una nang ibinasura ng Parañaque City Prosecutor’s Office ang kaso noong Mayo 2018 dahil sa kawalan ng sapat na ebidensiya.

Napag-alaman mula sa isang mapagkakatiwalaang source na nagtatrabaho pala ang anak ng DoJ secretary na si Menardo Guevarra Jr. sa TRLEI, operator ng Okada Manila, bilang Risk Management officer.

Ayon sa source, kinuha ng TRLEI ang batang Guevarra para sa nasabing puwesto noong Hulyo 2, 2018.

Naganap ang pagkuha ng TRLEI sa batang Guevarra matapos maghain ng Petition for Review ang kalihim ng DOJ noong Hunyo 2018 kaugnay ng pagbasura ng lahat ng kaso laban kay Okada.

Matapos mabasura ang kaso laban kay Okada, nagpakita ng kakaibang interes ang DoJ secretary rito at agad ipinag-utos ang muling pag-imbestiga sa kaso, sa kahilingan na rin ng TRLEI.

Inutusan din ng DoJ secretary ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang sinasabing leak sa resolution na nagbabasura sa kaso laban kay Okada.

Magugunitang ilegal na tinanggal si Kazuo Okada bilang chairman ng kompanya batay sa walang basehang akusasyon ng estafa.

Sinubukang hingan ng pahayag ng ilang mamamahayag si Guevarra ukol sa isyu ngunit hanggang ngayon, hindi pa rin ito sumasagot.