Road Board, mas tamang buwagin na lamang

Ni ARIEL DIM. BORLONGAN

 

Wastong buwagin na lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Road Board na matagal nang pinagkukunan ng bilyon-bilyong pisong ibinubulsa ng mga kongresista.

Ayon kay Sen. Panfilo Lacson, pinagtibay na ng Senado ang panukalang batas mula sa Kamara de Representante na nagbubuwag sa Road Board pero biglang iniatras ito ng mga miyembro ng Mababang Kapulungan.

Natuklasan din na ang korupsiyon kaugnay ng Road Board fund o Motor Vehicles User’s Charge (MVUC) ang sanhi ng iringan ng mga miyembro ng Kamara at ni Department of Budget Secretary Benjamin Diokno dahil gustong manatili ng mga mambabatas ang Road Board fund bilang “big lump sum” na maibubulsa lamang nila.

Iginiit ito ni dating House Speaker Pantaleon Alvarez na nagbulgar na nagagamit ang MVUC na big lump sum hindi katulad ng line items sa pambansang badyet na naka-itemized kaya less prone sa korupsiyon.

Nasa mga kamay ngayon ni Duterte kung lalagdaan ang pagbasura sa Road Board dahil na-transmit na sa kanya ng Senado ang panukalang buwagin na lamang ang lupon na matagal nang sanhi ng korupsiyon sa pamahalaan.

Kasama sa nai-transmit ng Senado ang resolusyon na nag-uutos kay Diokno na huwag payagang lumabas ang tinatayang P45 bilyong pondo mula sa MVUC na pinangangasiwaan ng Road Board.

Inamin ni Presidential  spokesman Salvador Panelo na sinuportahan ng Pangulo ang pagbuwag sa Road Board.

 “Yes. That’s what is needed. We want the funds to be returned to the treasury and let Congress appropriate again for a specific purpose,” dagdag ni Panelo.