Cha-cha ng Kamara, huwad na Federalismo–dating SC chief justice Reynato Puno

NANANALIG ang Malakanyang na ikokonsidera ng Kamara ng mga Reprsentante ang draft Federal Constitution na binuo ng Consultative Committee (ConCom).

 

Nauna rito, nakapasa kasi sa third and final reading ng Kamara ang kanilang besiyon ng Charter change (Cha-cha) pero kinokontra ito ng ConCom na pinamumunuan ni dating Supreme Court chief justice Reynato Puno.

Bukod pa sa tinawag pa ni Puno na “disaster” sa demokrasya ang bersiyong ipinasa ng Kamara ay maraming tinanggal gaya ng probisyon sa anti-dynasty.

Itinalaga si Puno at ang kanyang komisyon para repasuhin ang 1987 Konstitusyon at nagbabala siya na ang isinusulong ng Kamara na federal charter change ay huwad na Federalismo.

Ayon kay Presidential spokesperson Salvador Panelo, dapat pakinggan ng mga mambabatas si Puno at ang mga miyembro ng Concom at maging bukas sa mga amendments kundi ay posibleng ibasura lamang ng taumbayan ang panukalang pagbabago sa Saligang Batas.

Aniya, mismong si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang nagsabing kung taliwas sa interes ng taumbayan ang ipapasang bagong Konstitusyon, pangungunahan nito ang kampanya para  hindi ito mapagtibay.

Kumbinsido naman si Panelo na hindi pa sarado ang Kamara sa pagrepaso ng pinal na bersiyon ng Cha-cha at mahaba-haba pa naman ang proseso para rito.

“Well, I hope Congress should listen to former Chief Justice Reynato Puno and open themselves for amendments, they should reconsider. Otherwise, they might be the danger of people rejecting the proposed amendments to the Constitution, and then that would be a waste of people’s money,” diin ni Panelo.