K-12 problema pa rin ng pamilyang Pilipino

Isang malaking pagbabago para sa pamilyang Pilipino ang ipinatupad na K-12 educational system ng administrasyong Aquino noong taong 2016.

Bago pa man lumisan si Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III sa Malakanyang, napagtibay nang kongreso sa kanyang pamumuno ang isinusog na karagdagang dalawang taon para sa high school kung kaya sa halip na apat na taon lamang sa pangalawang antas ng edukasyon, napahaba pa ang pananatili ng mga high school students sa kanilang paaralan.

Nararamdaman na ito ng mamamayang Pilipino ngunit sa hindi maipaliwanag na dahilan ay ipinagpatuloy pa rin ng administrasyong Duterte.

Sa nakalipas na dalawang taon, nagdulot nga ba ng pag-unlad sa sistema ng edukasyon at sa pamumuhay ng pamilyang Pilipino ang K-12 educational system?

NAPAG-IIWANAN NG DAIGDIG

Bago maisabatas ang K-12 educational system, pinanindigan ng administrasyong Aquino na sa apat na sulok ng mundo, tanging ang Angola, Djibouti at Pilipinas na lamang ang bansang nagpapatupad ng K+10 curriculum. Kasama sa mga matatamis nilang panghalina ang mga puntos na magiging madali ang pag-a-abroad ng isang estudyante kung makapagtatapos sila ng Senior High School.

Kabilang sa mga nasilaw ng magandang pangako ang guro ng high school sa Rizal na si “Amelia” na nabighani sa bagong sistema ng edukasyon sa bansa.

“Sinabi ko sa mga estudyante ko noon na dapat magsikap silang mag-aral sa Senior High kasi mas tataas ang tyansa nilang makapag-abroad kaysa high school graduate lang sila. Pero mali pala ako dahil sa mas mahigpit na qualification, siyempre mas uunahin pa rin ng mga employer ang college grad kaysa nakatapos ng Senior,” sabi ng 11th grade teacher.

Kapansin-pansin dito na sa mga job fair na isinagawa ng local government units at maging ang Department of Labor and Employment, mas malaki pa ring porsiyento na kinukuha ng mga kompanya ang nagsipagtapos sa kolehiyo kaysa Senior High School.

 

DAGDAG PAMATOK SA PAMILYA NI JUAN DELA CRUZ

Hindi pa man pinatutupad ang K-12 noong 2015, dumadaing na si “George”, 15 anyos ng panahong iyon at isang 3rd year high school student ng Pandi, Bulacan.

Nabanggit niyang bunsod ng kahirapan, napipilitan siyang maghanapbuhay upang makatulong sa kanyang mga magulang at apat na kapatid.

Malimit siyang lumiban sa klase dahil kailangan niyang magbuhat ng mga sako ng palay sa isang rice mill sa lalawigan.

Gayundin ang naging suliranin ng kapwa niya kaedad na si “Ismael”. Kahit nahihirapan pa sa karamdaman niyang hika, napipilitan siyang huwag pumasok sa high school at magtrabaho sa asinan para makatulong sa kanyang ama at ina.

Sa kalagayan nila “George” at “Ismael”, naglalaro sa kanilang mga isip na kung noon ngang apat na taon lamang ang high school at dumadanas sila ng ibayong hirap upang makatulong sa pamilya, paano pa kaya ngayong ganap ng batas ang K-12?

Sa kasalukuyan, hindi nakapagtapos ng Junior High School o ng dating apat na taon sa sekondarya sina “George” at “Ismael”.

 

HINAHARAP NG KABATAAN

Madilim, walang katiyakan at puno ng pag-aalala. Ito ang problemang hinaharap ng mga batang estudyante ng K-12 na hindi naninirahan sa lungsod na kagaya ng Maynila, Makati, Pasig, Mandaluyong, Las Pinas at iba pang progresibong siyudad na nasasakupan ng National Capitol Region.

Sila ang milyon-milyong mag-aral na dumadanas ng labis na pabigat bunsod ng kahirapan. Mula sa lalawigan ng Luzon, Visayas at Mindanao idagdag pa ang mga sinasabing urban poor ng NCR, kaya bang ipangtawid ng P20,000 at P17,000 voucher educational assistance sa mga estudyante sa lungsod at lalawigan, ayon sa pagkakasunod, ang sobrang pahirap ng K-12 educational system sa Pilipinas?