E-Dyipni papatay sa road icon na “King of the Road”

Kilala ang bansang Japan sa labis na pagpahalaga sa kanilang kultura. Mula sa sining ng paggawa ng tsaa, kabuki o ang klasikong sayaw at drama hanggang sa makabagong Japanese video game icon na si Mario, masasabing mataas ang kanilang pagpapahalaga sa kanilang kasaysayan.

Gayunman, ang bansang Pilipinas ay masasabing bayan ng madaling maniwala para sumunod sa dikta ng ng mga bansang kanluran.

Base sa direktiba ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), unti-unti nang itinakda ng adminisrasyong Duterte ang pag-phase out sa mga dating jeepney na de-krudo para makatulong sa pagpapahalaga ng kalikasan.

Gayunman, hindi pa rin maiaalis ang pagdududa ng nakararaming mga jeepney drivers at operators kung tapat nga ang pamahalaan sa pagpapatupad ng bagong sistemang ito ng transportasyon.

Isa sa mga katanungan nila ang ayuda ng gobyerno para makakuha ng de-bateryang sasakyan na hindi pa garantisado ang layo o distansiya ng ibibiyahe nito sa pamamagitan ng karga ng koryente sa baterya.

Gaano ba ito maasahan? Saan ang kanilang mga charging station? Hanggang saan ang pinansiyal na ayuda ng gobyerno?

Mahirap isaalang-alang na para lamang makasunod sa modernong panahon ay pababayaan na lamang nating mabura ang Jeepney icon na matagal ding hinangaan hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo.